Mga Pahina

Powered By Blogger

Linggo, Disyembre 11, 2011

Handog Ni Crush (Maikling Kwento)


            Ang lahat ay abala sa harding malawak na nalalatagan ng Bermuda. Abala sa pag-aayos ng mesa, pagluluto at paghahanda ng pagkain at dessert. Ika labingwalong kaarawan kasi ng anak  ng bise-alkalde ng isang probimsya - si Kheng.
            Isang magarbong pagtitipon ang ipinahanda ng bise-alkalde para sa anak. Ang tanging hangad lamang nito ay ang kanyang kasayahan at ang mailunsad ang pangalan nito sa alta-sociedad kung saan nabibilang ang kanilang pamilya.
            Sa itaas, sa kanyang silid, nakaharap sa salamin ang debutante. Inaayusan siya ng baklang kaibigan at kaklase. Maigi na iyon, magkasundo sila nito at libre siya sa pag-papaayos, i-refer lang daw ito sa kanyang mga kakilala ay masaya na ito. Sabagay, malaking break sa career nito bilang beautician ang pag-ayos sa kanya. Kilala siya sa kanilang lugar at sikat.
“Day, ha?” huwag mong kakalimutan ang napag-usapan natin. Ire-refer mo ako sa mga kakilala mo.” Wika nito habang inaayusan ang buhok niya.
            “Oo naman Remy. Ikaw pa, malakas ka yata sa’kin. Teka, matagal pa ba iyang ginagawa mo. Naiinip na ako.”
            “Sandali nga lang. Malapit na itong matapos.”
Tila minagic nito ang kanyang ayos. Ilang sandali pa’y pinatayo siya nito at pinaikot ikot sa harap ng tokador. Di niya mapigilan ang mapabulalas, ang ganda niyang tingnan sa puting gown na suot. Ang kanyang natural na ganda, ang maamong mukha ay lalong pinatingkad ng kolorete. Sa katunayan, may ilang kalalakihan ang hantarang nagpahayag sa kanya ng paghanga at intensyong manligaw. Ngunit sa malas, isa man sa mga ito ay wala siyang gusto.
Lahat ng tao sa paligid humanga sa taglay niyang ganda. Naging masaya siya pagkat ang lahat ay na eenjoy, walang nababagot.
Nagsidatingan ang kanyang mga kamag-aral sa kolehiyo at dati, sa mataas na paaralan. Lahat ay may bitbit na regalo.
Hindi nawala sa okasyon ang presensya ng matalik na kaibigang si Chari. Kaibigan niya ito mula pa noong musmos pa, hanggang sa pumasok sa paaralan, pareho ang kanilang pinasukan at ng mag-kolehiyo, pareho ang kanilang kursong kinuha.
Katulad ng ibang nagsidaan sa prosesong iyon, napaluha siya sa labis na galak at kalungkutan na rin. Tanda iyon ng kanyang pag-iwan sa kamusmusan at pagharap sa mundo bilang isang dalaga at hindi lamang iyon nagtatapos doon. Ang responsibilidad sa kanyang sarili ay iniaatang na sa kanyang balikat.
Galak pagkat isa na siyang ganap na dalaga; lungkot dahil hahanap-hanapin din niya ang pagbe-beybi sa kanya ng ama.
Kay daming regalo siyang natanggap, sumaliw sa musika ang halimuyak ng bulaklak na bigay sa kanya ng labinwalong binata-mga kaklase, kaibigan, crush at pinsan.
Matapos magpalipat lipat ng mesa upang i-entertain at itanong kung okay lang ba ang mga bisita ay nagpaalam siyang sasaglit sa loob ng bahay. Dumiretso siya sa kanyang kawarto sa taas. Pasadlak na naupo sa gilid ng kama at itinukod ang dalawang kamay sa baba. Kahit pa gabundok sa dami ang regalong kanyang natanggap, kahit na nagsidalo ang kanyang malalapit na kaibigan at kaklase, tila hindi kumpleto ang kanyang gabi.
“Umalis ka ng party para mag-emote?” hindi niya namalayang smunod na pala sa kanya si Chari. Ipinagpatuloy nito ang pagbubuska. “Ang drama mo, alam mo ba iyon?”
“Napagod lang ako sa kasasayaw.”
“Di nga. Kaylan ka pa natutong magsinungaling?”
Umaasta sa namang manghuhula ang kanyang kaibigan. Ang galing talaga nitong bumasa ng mukha, arok na arok ang kaibutran ng kanyang isip.
“Oo na.” pag-amin niya. Di man iyon diretsahan nakuha naman ni Chari ang ibig ipahiwatig ng kanyang binitawang kataga.
“Buksan na nga lang natin itong mga regalo sa loob ng silid,” anito. Ayaw niyang gumalaw, hinatak siyang makulit na kaibigan kaya napilitan siyang magbukas.
“Ngumiti ka muna diyan. Para kang namatayan ng butiki. Sige ka, maaga kang tatanda niyan.”
Tinawanan niya ang sinabi nito.
“Pocketbook?”
“Oo, pocketbook nga. Bulag na talaga ang kaibigan ko.”
Napangiwi siya sa huling binuksang kahon. Condoms. Iba na talaga ang kabataan sa kanyang panahon. Sino kaya sa mga bisita niya ang nagregalo niyon? Tuloy, di niya napigilan ang mapasimangot.
Saglit siyang lumayo sa tokador na kinapapatungan ng mga binuksang regalo at lumapit sa salaming bintana upang pagmasdan ang kasiyahan na nagaganap sa ibaba.
“Si Brent ba ang hinihintay mo?” ipinag-krus pa ng kaibigan ang bisig.
“Hay naku, huwag ka ng umasang darating iyon. Alam mo namang lagi iyong busy saka kuripot, inimbita mo ba?”
“Oo. Isa sana sa magbibigay ng rosas sa akin, iyon nga lang tumanggi pagkat hindi raw siya sigurado kung makakadalo siya.”
“Huwag ka na kasing umasa. Mabibigo ka lang. langis ka, tubig siya.” Tumawa ito ng marahan.
Hindi niya naiwasang mapabuntong hininga, crush niya si Brent kahit pagtawanan siya ng mga nakakakilala sa kanyang galing sa bunena familia.
Masama bang hangaan ang isang tunay na may adhikain sa buhay? Ano ang mali sa pagiging part-time janitor. Eh ano kung nakapasok ito ng private university dahil sa scholarship grant. Ano ba naman kasi ang ipinagmamalaki ng mga tumutuya sa katulad ni Brent? Iyong old-rich? Iyong mga bagong damit, kotse o laptop na hindi naman nila pera ang ipinambili kundi galing sa magulang. Mga taong hanep sa porma wala namang ibubuga sa klase. Eh ano kung anak siya ng kilalang pulitiko? Mas higit na dapat hangaan si Brent sa layunin nitong maging isang inhenyero-si Brent na hindi nahahadlangan ng kahirapan para makapagtapos. Tatlong buwan na lang ang bubuin nito at ga-gradweyt na ito. Ang pagiging matikas ng mahubog nitong katawan ay isa lamang na bonus puntos para sa kanya. Hindi siya tulad ng ibang kabataan na ang porma ng isang tao ang siyang batayan ng paghanga.
Marahang katok sa pinto ang pumukaw sa kanyang diwa. Nakamasid lamang si Chari. Ang kawaksing si Juana ang napagbuksan niya. Humahangos pa itong  yumukod. Marahil dahil sa pagmamadaling umakyat sa mataas na antigong hagdanang yari pa sa pinakinis na narra.
“May naghahanap pos a inyo sa ibaba.”
Mabilis pa sa alas-kuwatrong bumaba siya ng hagdan dahil sa tinuran ng kawaksi at nadatnan doon si Brent. Tama ang kanyang hinala, dadalo ito sa kanyang pagdiriwang. Labis labis ang pasasalamat niya sa Panginoon pagkat dininig nito ang kanyang panalangin. Tumayo ito agad ng siya ay makita.
Iniabot nito sa kanya ang nakabalot na regalo.
“Happy 18th birthday Kheng. Pasensya na ha, ngayon lang ako nakarating. Di ko kasi maiwan iwan iyong ginagawa kong draft.”
“Salamat Brent. Akala ko ngay hindi ka darating.”
Naglahong bigla ang lahat ng kanyang tampo sa mundo.
“Ang ganda mo Kheng.”
Simple lamang ang papuring iyon. Gusto niyang magpasalamat ngunit iba naging dating pagkat si Brent ang nagsabi, nagkandautal siya sa pagsasalita.
“Sa…lamat Brent.”
Kunwari ay lumingon siya sa likod,tamang tama at pababa si Chari. Namula siya sa panunukso ng mga mata nito. Mi-nental telepathy niya itong tumigil.
“Brent, ikaw pala. Mabuti’t nakarating ka. Kanina ka pa hinihintay ng kaibigan ko. Para nga iyang di mapakaling buntis na pusa.”
Pinandilatnan niya ito, tumalilis naman si Chari. Nagdahilan itong hahanapin sa Lea Mae, isa sa mga kaibigan nila. Kukunin daw nito ang hiniram na CD tape na ipinasadyang dalhin para pagkatapos ng party, pagkauwi ay makapagsimula na itong mag-movie marathon.
Nadatnan nila sa kusina ang katulong na si Aling Gloria, humiling siya ng ipaghain sila ng makakain. Akmang dadalhin nito sa dinig room ang handa’y pinigilan niya ito.
“Dito na lamang po kami sa kitchen kakain Aling Gloria, gusto ko magkamay baka mahuli ako ni Papa.”
Ngumiti itong nakakaunawa. Siya mismo ang kumuha ng plato’t kutsara at tinidor na para kay Brent. Nanatili itong nakamasid sa kanyang ikinikilos.
“Maupo ka Brent.”
Sumandok siya ng kanin at kumuha ng pritong hipon saka nagkamay.
“Kain ka Brent. Pasensya na, mas gusto ko kasing ganito kumain. Mas masarap kasi ang pagkain kapag kinakamay. Madalas nga akong makikain kina Chari. Dito kasi sa bahay, de numero bawat galaw. Kahit pagsubo ng kanin.”
“Masuwerte ka Kheng, may kaya ang iyong angkan. Isa iyang kaloob sa’yo ng Maykapal.”
Ngumunguya siya habang nakatingin dito.
“Hindi ko nakakalimutang ipagpasalamat iyan. Ikaw, masuwerte ka din pagkat pinagkalooban ka ng Panginoon ng talino at kasipagan.”
“Lahat naman tayo ay biniyayaan ng Panginoon ng ganyang katangian. Tayong tao lang naman ang sinasayang ang kanyang kaloob. Tapos, kung saan huli na ang lahat, saka manghihinayang at sisisihin pa ang Diyos. Siya naman itong dapat na kumikilos. ’ika nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”
May laman ang sinabi nito at naiintindihan niya. Tayo ay may kanya kanyang kaloob na dapat gamitin sa tama at kapurihan ng Maylalang.
“May punto ka diyan Brent.”
Kung anong bagay ang kanilang napag-usapan at natalakay. Kanya-kanyang buhay, buhay estudyante, suliranin ng bansa at kalikasan, mga sekreto sa buhay.
Di nila namalayan ang paglipas ng oras. Kung hindi pa sila hinanap ni Chari at sabihing marami ang nagde-demand ng kanyang presensya sa labas ay hindi pa siya tatayo at maghuhugas ng kamay.
Nagpaalam na si Brent na uuwi. Ipinahatid niya ito kay Aling Gloria sa gate. Hindi niya mapigilan ang lalong nadagdagan ang paghanga nito.
Muli siyang bumaba at nakisalamuha, nakipag-usap sa mga bisita niya at ng ama. Mag-aalas-dos na ng medaling araw ng umuwi ang huling bisita. Pumanhik na rin siya sa silid. Nagmamadali.
Nabigla siya ng tumunog ang phone niya. Tumawag ang ina na nasa kabilang ibayo. Halos maiyak siya sa pagbati at pangangamusta nito sa kanya at sa kanyang kaarawan. Bumugso ang pangungulila niya rito, dalawang taon na rin silang hindi nagkikita. Hindi matapos tapos ang kanilang usapan. Mag-aalis tres ng magpaalam ito,oras ng trabaho nito.
Bigla niyang naalala ang regalo ni Brent, buong ingat niya iyong binuksan.May kalakip iyon na note.
Kheng,
Bago ka matulog, itabi mo ang lahat ng problema at damhin ang unang ito. Isipin mo ang Pag-ibig ng Diyos ay sapat upang malagpasan ito,ang lahat ng pagsubok, isipin mong ang lahat ng ito ay paraan lamang upang lalong tumibay ang iyon pananalig. Isiping mong  may taong nagmamahal sa’yo.

Sana’y maging masaya ka sa iyong kaarawan.
                                                                  Brent
            Wala sa loob na niyakap niya ang unan, saka humikab. Tama ito.
Excited na siyang dumaan ang bagong araw ng sa gayon ay Lunes na. tiyak na magtatagpo ang kanilang landas sa University. Nais niya itong pasalamatan sa regalong natanggap, maging sa payo nitong nagsilbing ilaw sa medyo nandidilim niyang isip. Nais din niyang masilayan ang ngiti nito sa labi at maging ang dalawang biloy nito sa pisngi. Tiyak niyang magdadagdag iyon sa kanyang ispirasyon sa pag-aaral.J

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento